“Hindi ko ibinoto sina Mayor Gerry Calderon at Daddy Sonny Rubin. Ngunit tiyak akong sila ang tunay na nanalo sa nagdaang halalan… At tulad ng aral na iniwan sa atin ni Ms. Au, tanggapin natin ang resulta ng halalan. “Vox populi, vox dei.” Sa Filipino, “ang tinig ng bayan ay tinig ng Dios.” Kung gayon, ang kuwestyunin ang boto ng bayan ay pagkwestyon sa takda ng Dios. Ito ay isang quotation na binanggit ni Rizal sa isang kabanata sa kanyang nobelang El Fili.”
Hindi ko ibinoto sina Mayor Gerry Calderon at Daddy Sonny Rubin. Ngunit tiyak akong sila ang tunay na nanalo sa nagdaang halalan.
Bagamat wala akong sinamahang partido nitong nakaraan, masasabi kong kahit paano ay nasulit ko naman ang karanasan. Inantabayanan ko ang blow-by-blow na pag-usad ng mga eksena at pag-unlad ng istorya—mula sa candidate’s forum ng PPCRV, balitaktakan sa mga miting de avance, hanggang sa aktwal na araw ng botohan at pagta-tally ng mga boto ng Municipal Board of Canvassers.
Noong tumunghay ako sa candidates’ forum na ginanap sa patio ng simbahan, nakita ko na ang kalakasan at kahinaan ng bawat partido.
Ikinalulungkot ko, ngunit litaw-na-litaw ang kasabawan ng LP. Wala akong personal na kaalaman sa kung ano’ng nangyayari sa loob ng kanilang partido maliban sa kaunting hearsay o tsika na naibubulong sa akin sa mga umpukan at huntahan.
Ngunit kitang-kita sa entabladong hindi buo ang LP. May malaking bitak at sa katunayan, kahit ang mismong mga konsehal ay hindi nakapaggigiit na iboto ang kanilang standard bearers. Ano’ng nangyari?
Ang naobserbahan ko naman sa barkadahan, bagamat hindi ako nahahatak na iboto ang mga konsehal nila sa paniniwalang “masyado pang bata ang mga ‘to” at “salat pa sa karanasan,” nakita ko kung paanong tinahi nila ang partido sa pamamagitan ng laging pagsasabi na ang kanilang serbisyo ay alang-alang sa “Angono Dream” at “pagpapatuloy ng programa ni Meyor.”
Sa totoo lang, nasa hanay nila ang pinakahindi ko ibobotong konsehal, ngunit maayos nilang napagtatakipan ang kahinaan ng bawat isa. Kumbaga, parang ganito ang statement, “oo, hindi kami perpekto bilang mga indibidwal, pero nasa amin ang perpektong partido na may inihahatag na perpektong programa.”
Lalong nadisgrasya ang LP dahil sa sistema ng pagkakasunod-sunod ng sasagot sa tanungan portion. Ganito ang nangyari. Mauunang sumagot si Meyor Gerry. Tapos babaragin siya ni General na susundutan naman ni Dra. Tapos, sa huli, to the rescue si Daddy Sonny na magsasalba kay Meyor Gerry. Sa palagay ko, sa susunod na candidates’ forum, dapat na maging random ang pagpili sa kung sino ang sasagot. Nagkaroon kasi ng format kaya nakakadiskarte ang mga kandidato.
Nang matapos ang forum, nagsibaba agad ng entablado ang mga LP candidate. Kanya-kanya silang kamay sa mga tao. Subalit ang barkadahan, nagkapit-kamay at sabay-sabay na nag-bow sa mga tao. Syempre, drama o eksena lang iyon. Pero it says a lot. Makapangyarihan ang iniiwan nitong mensahe na hindi sinasabi.
Ang isa pang malaking kamot sa ulo ko ay ang miting de avance ng LP. Nasentro ang pulong bayan sa paghahagis ng putik sa kalabang partido lalo na kay Meyor Gerry. Pambihira! Malaki ang suliranin nito sapagkat hindi batuhang-putik ang tinutunghayan ng taumbayan sa isang miting de avance kundi ang programa. Ang mga “pagbabansag” ay hindi pangunahin at sa katunayan, ito ay mga bagay na “alam na” ng tao at namanhid na sila nito.
Ang mas mainam na pinag-usapan, sana, ay kung ano ang gagawing programang makabubuti sa tao. Ang mga pagbabansag ay panundot o pang-agitate na lamang. Walang ganoon sa miting de avance ng barkadahan. Mas nagmukha pa itong “tunay na atin” nang paakyatin sa entablado ang mga kabataan.
Sa dalawang mahahalagang aktibidad na iyon, forum ng PPCRV at miting de avance, masasabi kong lantad na lantad na ang suliraning pang-organisasyon at pamprograma ng LP. Kung ako mismo, na die hard fan ni Ms. Au, ay hindi napakilos o naengganyong sumama sa kanilang krusada noong Mayo, malinaw na may suliranin at pagkukulang sa wastong pagpapaliwanag at pananampalataya kung bakit kailangang magbuwis-buhay para sa layuning electoral na iyon.
At dahil bahagi ako ng Angono Rizal News Online, napasabak ako sa pagbabantay at paghahanap ng balita. Sinuyod namin nina Sir Gappi at Noel Cog ang Angono Elementary School, ang San Vicente Elementary School, Angono National High School, at Raises Academe sa Bagumbayan. Kinausap namin yung lady police sa San Vicente. Nagbabakasakali kaming makakuha ng scoop. “Ma’am, may gulo po bang nangyari dito?” Tawa ako nang tawa sa sagot niya. “Wala namang gulo. Bakit ba kayo naghahanap ng gulo? Gusto niyo ba magkagulo?” Syempre, biro lang niya iyon. Kaibigan namin si Ma’am.
Sa Raises kami medyo nakatsamba ng balita. Isang PCOS ang nag-malfunction. Iniluluwa ang balota. Mga isang oras ding nagkaroon ng delay. Ngunit naaayos din ang trobol nang dumating ang isang pamalit na PCOS na dinala ng Comelec officers at mga pulis.
Nagkaroon ako ng pribilehiyo na maglabas-masok sa Sangguniang Bayan Session Hall noong May 13. Naisyuhan kasi ang aRNO ng gate pass mula sa Comelec. Saludo ako sa Comelec officer dahil binigyan niya ng pagkakataon ang local media na makasaksi sa ganoong kaimportanteng aktibidad. Isa lang ang request niya: “Kapag kinuhanan ninyo kami ng litrato, siguraduhin niyo lang na naka-smile kami.”
Naroon ang mga kinatawan ng bawat partido. Naroon sina Dong Malonzo, Atty. Mike Villamayor, at iba pa. Nakahuntahan ko rin ang ilang LP volunteers at nasabi nila sa aking “expected na nila ang resulta.”
Nagkaroon lang nang kaunting delay sa pagpapadala ng mga boto mula sa Brgy. San Isidro. Bukod doon, wala akong nakita o napunang any untoward incident. At kung mayroon man, sana noong mismong gabi na iyon ay may nagsalita na o nagreklamo mula sa mga kinatawan ng mga kandidato o partido. Masasabi kong payapa ang naging halalan at walang anumang aberya dahil naroon kami mismo, kaharap ang Municipal Canvassers.
At tulad ng aral na iniwan sa atin ni Ms. Au, tanggapin natin ang resulta ng halalan. “Vox populi, vox dei.” Sa Filipino, “ang tinig ng bayan ay tinig ng Dios.” Kung gayon, ang kuwestyunin ang boto ng bayan ay pagkwestyon sa takda ng Dios. Ito ay isang quotation na binanggit ni Rizal sa isang kabanata sa kanyang nobelang El Fili.
Di ako tiyak kung ano ang patutunguhan ng electoral protest ngayon na nakasampa na sa korte. Ang masasabi ko lang, masyadong malaki ang kalahating-milyon at marami na itong magagawang programa na makabubuti sa bayan. Isang kurot lang niyon ang kailangan ko para sa guguguling pera para sa paglalathala ng una kong aklat sa Agosto.