"Kung nauunawaan at tinatanggap natin ang wikang Filipino na kumikilala sa katutubong /f/, bakit di natin ito mailapat sa mismong pangalan ng bansa? Ang ganitong paraan ng pag-iisip ay nagpapakita ng cognitive dissonance—tinatanggap natin ang diwa ng F ngunit hindi tayo handang isapraktika ito sa mismong pangalan ng ating bansa. F sa diwa, ngunit P na batay sa Tagalog sa praktika.
Kakatwang sinisikap nating bumuo ng pambansang identidad sa pamamagitan ng pagsasaayos at pagsasaopisyal ng pambansang wika (mula Tagalog ng 1937, Pilipinong batay sa Tagalog ng 1959, hanggang sa Filipino ng 1987), ngunit ang Pilipinas na inianak ng luma at maka-Tagalog na wika ay nabangkiki."
Hindi ako linguista. Ngunit sa abot-makakaya, sinikap at pinili kong pagtuunan ng pansin ang panukalang palitan ang ispeling ng pangalan ng bansa mula Pilipinas tungong Filipinas. Anumang kakulangan sa mga nauna kong isinulat, o isusulat pa lamang, na naninindigan para sa Filipinas, ay lubos kong inihihingi ng tulong sa mas nakauunawa o eksperto sa paksang ito.
Habang humahaba ang talakayan ay marami akong natutuhan sa proseso ng palitang-kuro. Ipinagpapasalamat ko ang pasensyoso at mapang-unawang pagpapaliwanagan ng mga manunulat, pati na ng mga naging guro ko dati sa wika at pagsusulat, pabor man o kontra sa tindig kong Filipinas.
Narito ang ilan kong tala na inaasahan kong makatutulong sa atin sa higit na pag-unawa sa paksang ito.
Malaon nang Ginagamit ang /f/ sa Filipinas
Ang tunog o ponemang /f/ ay malaon nang ginagamit sa mga wikain sa Filipinas. Nauna nang nagbigay ng mga halimbawa si Dr. Pamela Constantino sa kanyang sanaysay na “Tagalog, Pilipino, Filipino: May Pagkakaiba ba?” Sulat niya:
“May tunog na F sa ilang wika ng Pilipinas gaya ng afuy(apoy/fire), kofun (kaibigan/ friend) ng Ibanag; afyu flafus (magandang umaga/ good morning) ng Bilaan, fidu (peste/ pestilence) ng S. Cotabato Manobo, atbp.” (Diin akin)
Kahit ang mga Bikolano ay ginagamit ang Republika kan Filipinas upang ituring sa bansa natin.
Matutunghayan din ang ganito pang mga halimbawa sa tulang “Opkors, Nakakain ang F” ni Richard R. Gappi:
“Ito ang fagfagto sa Igorot na ritwal ng kalalakihan sa Bontoc
bilang pasasalamat sa masaganang ani ng kamote,
sa kapistahan na may fandi-fandi, ang salita ng mga
Tiruray para sa banderitas kung may kasalan.
Ito ang faayan ng mga Tiruray para sa sako o lalagyan ng palay,
na ang pagbibilad sa palay ay tinatawag na fekon.
Ito ang palay, na lumago dahil sa fertilizer, na kapag naging
bigas ay iluluto sa fagaw na lalagyan ng mga pinatuyong panggatong.
Ito ang fabanga ng mga Tiruray na ‘uri ng anting-anting
na itinatali sa baywang upang palakasin ang pag-iisip.
Ito ang factory sa Ingles para sa pabrika.
Ito ang fair na pook bentahan ng iba’t ibang bilihin.
Ito ang faith para sa buong tiwala at pananalig at relihiyon,
sa faith-healer o sa fakang na para sa mga Tiruray
ay ang anting-anting na inilalagay sa lupa
upang malaman o makilala ang magnanakaw.
Ito ang falla noong panahong Espanyol na bayad
upang hindi magtrabaho sa polo o sapilitang trabaho.
Ito ang faliwes ng mga taga-Bondoc na musika
ng gangsa sa bisa ng malambot na pampalo.
Ito ang fallowa ng mga Ivatan na bangka na malapad at walang katig.
Ito ang fanfanilag ng mga taga-Ifugao na tumutukoy
sa santelmo o maningning na liwanag.
Ito ang fules sa Tiruray na singkahulugan ng panghuli
sa hayop sa pamamagitan ng tali; ito ang fuyu
sa mga Tiruray na sarong na ginagawang duyan ng bata.” (Diin akin)
Ang pag-iral o existence ng mga salitang ito na may /f/ ang mismong salalayan kung bakit ang Pambansang Wikang Pilipino noon na nakabatay sa Tagalog ay ginawang Wikang Filipino. Samakatuwid, ang “F” sa wikang opisyal na Filipino ay hindi na lamang Pilipinong Tagalog kundi pagkilala sa mga wikain sa bansa. Sulat uli ni Constantino:
“Ang paggamit ng F ay simbolo ng pagiging hindi na Tagalog lang na batayan ng wikang pambansa dahil walang ganitong tunog ang Tagalog…
Idinagdag ang walong letra na c, f, j, ñ, q, v, x, at z bilang akomodasyon sa mga tunog mula sa mga wika sa Pilipinas, Ingles at Kastila.”
Ang Ponemang /f/ at /v/
Ang ponema tumutukoy sa maliliit na yunit ng makabuluhang tunog. Halimbawa nito ang limang tunog na patinig na /a/, /e/, /i/, /o/, at /u/, at mga katinig na /b/, /k/, /d/, /g/, atbp.
Ayon sa pag-aaral ni Dr. Jessie Grace U. Rubrico, ang /f/ at /v/ ay mga tunog na ang punto ng artikulasyon ay nasa ngipin at labi. Kung patutunugin ito ng bibig, didikit ang babang labi sa ngipin sa taas, at saka sisingaw ang hangin sa maliit na espasyo. Narito ang kanyang talahanayan:
Ngunit ang /f/ at /v/ na ito ay mula umano sa ponetika ng Ingles. May mga nagsasabing ang /f/ at /v/ ng mga katutubo (Ifugao, Ivatan, e.g.) ay kaiba sa bigkas ng /f/ at /v/ sa Ingles. Bakit? Dahil sa mga katutubo, sinasabing naglalapat o nagkikiskis ang mga labi kung bibigkasin ito. Halimbawa, ang Ifugao ay I-phu-gaw. Nagdidikit ang mga labi na parang umiihip ng sabaw o dudura nang kaunti. Gayundin sa /v/. Ang Ivatan ay I-bha-tan.
Ang ibang mga lingusta ay sinimbulohang phi o bha ang katutubong /f/ at /v/ upang ipakita ang distinksyon nito sa dayuhang /f/ at /v/. Ngunit nang idinagdag sa alpabeto noong 1987 ang mga titik c, f, j, ñ, q, v, x, at z, napilitan o sinadyang titik Ff at Vv ang ilagay dahil nga sa kawalan ng ibang simbolo para sa katutubong /f/ at /v/, o maaaring dahil sa ang mga titik na Ff o Vv ang may pinakamalapit na tunog sa mga katutubong /f/ at /v/.
Dito pumapasok ang mabigat na akusasyong ang /f/ sa Filipinas ay hindi /f/ ng katutubo kundi F ng Kastila o Ingles.
Walang Problema sa /f/ at /v/
Ang /f/ at /v/ sa alpabeto ng 1987 ay tumuturing sa parehong dayuhang /f/ at /v/ (na labi at ngipin ang punto ng artikulasyon) at katutubong /f/ at /v/ (na nagdidikit ang taas at babang labi).
Ito sa palagay ko ang dapat linawin sa mga textbook, na ang F at V ay may dalawang sinisimbulong tunog. Sa kung paanong ang ponemang /j/ ay maaaring tunog /h/ at /dy/, halimbawa ang Jose (ho-se) at Jong (Dyong).
Kung nagamit na at nakita na na ang titik F at V ang pinakamainam o pinakamalapit na sumimbolo sa at katutubong /f/ at /v/, dapat linawin sa mga textbook na ang F at V ay may dalawang tunog na kinakatawan!
Kung gagawing Filipinas with capital F, walang magiging suliranin dahil nangangahulugan lamang na ang Filipinas ay maaaring bigkasin sa dalawang paraan, depende sa gumagamit at sa kinakausap. Maaaring Fi-li-pi-nas o Phi-li-pi-nas. At kung ang dalawa o higit pang Tagalog naman ay nagdidiskursuhan ay maaaring bigkasin ang Pi-li-pi-nas bilang salin sa Tagalog, o kung nagpupumilit gamitin ang Filipinas ngunit sumasablay sa ponemang /f/ ng Ingles, maaaring Phi-li-pi-nas na katulad din sa katutubong ponemang /f/.
Ngunit mahalaga na sa nakasulat, naka-imprenta, o nakadokumento sa papel, na gamitin ang Filipinas na nagsisimula sa F dahil ito ay simbulo ng pagkilala, pagrespeto, at pagtanggap sa parehong dayuhan at katutubong /f/ at /v/. Panandang-bato o marka iyon na minsan sa ating kasaysayan, may mga nangahas at nanawagan na ipasok sa pangalan ng bansa ang katutubong /f/.
Walang suliranin. Internationally ay tinatawag tayong Philippines sa Ingles, Filipinas sa Kastila. Filipinas (maaaring Fi-li-pi-nas o Phi-li-pi-nas) sa loob ng bansa. Sa totoo lang, kahit sa mga ibang wika sa daigdig ay F ang ginagamit na umpisa sa pangalan ng ating bansa. Halimbawa ang Republika e Filipineve ng Albanya, Filippin Respublikas ng Azerbaiiani, Republiek van de Filipijnen ng Dutch, at Republica Filipine ng Romanya.
Ang panawagan na gawing Filipinas ang pangalan ng bansa ay kasimbigat din ng dahilan kung bakit mula sa Pilipino ay ginawa nating Filipino ang ating pambansang wika. Kung nauunawaan at tinatanggap natin ang wikang Filipino na kumikilala sa katutubong /f/, bakit di natin ito mailapat sa mismong pangalan ng bansa? Ang ganitong paraan ng pag-iisip ay nagpapakita ng cognitive dissonance—tinatanggap natin ang diwa ng F ngunit hindi tayo handang isapraktika ito sa mismong pangalan ng ating bansa. F sa diwa, ngunit P na batay sa Tagalog sa praktika.
Kakatwang sinisikap nating bumuo ng pambansang identidad sa pamamagitan ng pagsasaayos at pagsasaopisyal ng pambansang wika (mula Tagalog ng 1937, Pilipinong batay sa Tagalog ng 1959, hanggang sa Filipino ng 1987), ngunit ang Pilipinas na inianak ng luma at maka-Tagalog na wika ay nabangkiki.